Sabi nila, mabilis daw ma-fall ang mga male bisexuals sa kapwa nila. Yung mabilis kang magka-crush o ma-inlove daw. Kaya naman kahit anong iwas mo daw humanga sa mga taong nasa paligid mo, hindi mo pwedeng diktahan ang puso mo kung kanino ito biglang titibok. Baduy di ba?!
Pero napatunayan ni Alfred sa sarili niya na totoo pala na kapag na-inlove ka sa hindi mo inaasahang pagkakataon, hindi na madaling kalimutan, lalo na kung ito ang naging dahilan para maging masaya siya.
Sa mrt niya unang nakita ang taong yun, gwapo, matipuno at mukhang galing gym. Hindi naman niya tipo ang mga ganung itsura, dahil alam niya na wala rin naman siyang mapapala kung bibigyan pa niya ng panahon na mag isip sa taong yun.
Pero sa araw-araw na pagsakay niya sa mrt, mukhang sinasadya ng pagkakataon na makita at lagi niyang makasabay sa byahe ang lalakeng yun. Hindi naman flirt si Alfred, kaya wala siyang balak magpapansin sa taong yun, pero sa loob niya, mukhang pamilyar na rin siya dahil nga hindi naman laging 1st time na sila ay nagkikita at nagkakasabay sa byahe.
Dumaan pa ang mga araw, ay parang hindi na makukumpleto ang araw ni Alfred na hindi man lang makita ang taong yun kung saan madalas ito nakapila at nakapuwesto sa loob ng mrt. Aminado na siya na may paghanga siya sa taong yun, hindi man siya magkaroon ng pagkakataon na malaman man lang ang pangalan nito, ay napapangiti na siya sa tuwing iisipin na magkakasalubong na naman ang mga paningin nila.
Dumaan pa ang ang ilang araw hanggang sa naging linggo, hindi na niya nakikita pa roon ang lalakeng yun. Nalungkot si Alfred kahit papaano, dahil nga nagkapuwang na sa puso at isipan niya ang estranghero. Hindi naman siya makikipagsiksikan sa loob ng mrt at amuyin ng libre ang sari-saring amoy ng mga kili-kiling naroon ng walang dahilan. Sakripisyo ang tawag niya doon para lamang makita at masilayan ang gwapong mukha ng taong yun.
Lumipas pa ang mga araw, nagdesisyon na si Alfred na itigil ang umasa na makikita pa ang taong yun. Kailangan niya sanayin ang sarili na hindi sa mga pagkakataon na gaya dati ay ganun na lamang ang mangyayari.
Sa sobrang siksikan sa pila sa mrt para makasakay, nakaramdam ng inis si Alfred sa taong nasa likuran niya sa pila. Dahil natulak siya nito at naipit siya sa mga pasaherong naroon sa loob ng mrt. Agad niyang nilingon ang nasa likod at bigla na lamang siyang na tameme.
Ang taong matagal niyang gustong makita, nasa likod niya lang pala. Halos magkadikit ang mga mukha nila. Dikit ang mga dibdib at tyan nilang dalawa. Parang panaginip. Naaamoy niya ang mabangong hininga nito, dahil sa mentol candy na nasa bibig nito.
Sa mga oras na yun, dinama na lamang ni Alfred ang pagkakataon. Ang posisyon at sitwasyon nila ng taong yun. Masaya na siya dahil kahit hindi man niya magawang itanong ang pangalan ng taong yun, binigyan siya ng pagkakataon na ito ay makadikitan at muling makita sa mga oras na muntikan na niya itong alisin sana sa kanyang isipan.
No comments:
Post a Comment