Monday, October 28, 2013

sa Halloween party

Nagkakataon  ba na may nakikilala ka sa mga lugar na hindi mo inaasahan?

Alex: Nice costume! Bagay sayo ang maging bampira =)

Fred: Salamat! Bagay din naman sayo ang suot mo! Paborito ko siyang anime character!

Ang minsang pagkakabangga ng mga siko ay maaari pang masundan ng pagkakasalubong ng mga paningin sa isat-isa.

Alex: Are you alone? May mga kasama ka ba? Nasaan sila?

Fred: Nasa tabi-tabi lang! Nag eenjoy! Ikaw? Nasaan ang mga kasama mo?

Alex: Kanina may hinihintay ako! Pero sa ngayon, mukhang malabo na yatang makarating pa!

Fred: Malungkot ang mag isa! Eh di mag isa ka niyan ngayon!

Alex: Nope! May kasama na ako ngayon!

Fred: Ha? Nasaan?

Alex: Ikaw!

May mga bagay at pangyayari talaga tayong hindi inaasahan, gaya ng may nakikilala ka sa mga simpleng bagay, nakakakuwentuhan dahil may pinagkatuwaan at may nakakausap ng hindi mo alam ang dahilan kung bakit nga ba kayo nagkalapit at nagkatabi na lamang.

Fred: Hulaan ko, malungkot ka talaga dahil nga hindi na nakarating yung inaasahan mo na makakasama mo dito sana!

Alex: Siguro malulungkot ako kung dumating siya!

Fred: Ha? Bakit naman? Parang baligtad naman!

Alex: Kasi kung nandito siya, hindi siguro kita makikilala!

Madalas tayong napapangiti ng lihim kapag may mga taong nagsasabi ng kanilang mga simpleng papuri sa atin. Pero madalas, umaasa tayo na higit pa roon ang maririnig natin mula sa kanila sa bawat pag galaw ng mga oras.

Alex: Sana, maging magkaibigan tayo!

Fred: Bakit naman hindi? Mukha ka namang mabait!

Alex: Ikaw din! Parang ang bait mo din!

Minsan, may mga kahilingan tayo sa ating isip lamang na sana ay hindi na matapos ang bawat sandali na kasama natin ang mga bagong nakilala, dahil nga tayo ay parang nahuhulog ang kalooban sa kanila.

Alex: Sana hindi lang tayo dito magkita at magkakuwentuhan! I mean, kumain sa labas! Manood ng movies?

Fred: Oo naman! Basta huwag lang horror! Matatakutin kasi ako!

May mga bagay tayo na nasasabi na hindi naman natin talaga intensyon. Lumalabas na biro ito sa iba, pero kapag nagawa mo nga silang mapatawa o mapasaya, kahit hindi mo naman talaga gusto ang nasabi mo, tatahimik ka na lang.

Alex: Salamat ha! Alam mo, sa dami ng mga narito, ikaw lang yung bukod tanging pumansin sa akin dito!

Fred: Bakit mo naman nasabi yan?

Alex: Pangit siguro ako sa paningin nila dahil sa suot ko!

Fred: Hindi naman kita nakitang pangit sa suot mo, siguro dahil mas nauna kitang nakilala kesa pinagmamasdan!

Masaya sa pakiramdam ang may bagong kaibigan. Lalo pa at uukit siya ng bagong alaala sa iyong isipan kahit matapos ang mga sandalinng una kayong nagkausap at nagkakilala.

Fred: Sandali nga pala, kukuha muna ako ng maiinom natin!

Alex: Ha? Aalis ka?

Fred: Saglit lang naman ako!

Alex: Hindi na ba kita mapipigilan?

Fred: Hihintayin mo naman ako di ba?

Alex: Kung mawala ba ako dito, hahanapin mo ba ako?

Fred: Oo naman!

Alex: Maghihintay ako!

Pero wala pa yata ilang minuto ang nagdaan, gusto mo ng balikan at lingunin ang bagong kakilala.

Alex: Fred!

At sa ating paglingon sa isang nakaraan, magigising tayo sa isang katotohanan. Isang magandang panaginip na lumipas na pero bumabalik pa sa ating mga alaala.

Ang mga lumisan na, madalas nagpapakita sa ating mga panaginip upang ipaalala na isa tayo sa mga taong nagbigay sigla sa kanila noong nabubuhay pa sila.

------------------------

No comments:

Post a Comment