Naimbitahan kami ng aking kaibigan sa isang "shala" na birthday event. Aligaga tuloy ako kung anong isusuot ko dahil nga "shala" yung event na yun, bukod sa siguradong "shala" rin ang mga bisitang pupunta.
Ilang araw din namin yun pinag usapan at naging topic ng aking kaibigan, excited kami dahil nga bihira kami maimbitahan sa mga "shala" na event. Sa sarili ko, alam kong hindi ko afford ang makipagsabayan sa mga naroong bisita, dahil hindi naman ako "shala", isang simpleng nilalang lang na may sapat na bagay para mabuhay din sa mundong ibabaw.
Dumating ang araw na yun, at nakahanda na akong magbyahe kasabay ang aking kaibigan. Sinigurado namin na magiging maayos kami sa paningin ng ibang naroon na bisita.
: Oh alam mo na ha! Kapag may nagpakita ng interes, at mukhang amoy oto, grab the opportunity! Wag lalamya-lamya!
: Social climber lang ang peg natin?
Nagtawanan kaming magkaibigan. Kailangan namin na libangin ang aming sarili dahil nga hindi naman maitatago sa mga itsura namin na kabado kami, dahil nga hindi naman ordinaryong lugar, mga tao at pagkakataon ang aming mararanasan sa gabing yun.
Dumating kami sa lugar na yun, hindi naman kami late kaya nagpasalamat kami dahil hindi pa masyadong matao at hindi kami mapapansin. Nilapitan kami ng celebrant, binati namin siya at inabot namin ang aming regalo. Niyakap niya kami at nagsabi ng " Nag abala pa kayo? Kayo lang yata ang nagdala ng regalo =) ", hindi ko alam kung anong iisipin ko, kung insulto ba yun o pasasalamat. Iniwan kami saglit ng celebrant at agad akong hinarap ng kaibigan ko.
: Baka naman kasi sa kultura nila, wala na talagang regalo! Oh maybe, walang pambili ang mga bisita niya ng regalo! Mas bigtime pa pala tayo sa mga bisita niyang "shala"!
Natawa ako doon sa biro ng aking kaibigan. alam ko naman na pinapagaan niya lang ang sitwasyon, para hindi ako mag isip ng kung ano pa.
Ilang oras na rin kaming nananatili ng aking kaibigan sa party na yun. Maraming pagkain, alak at mga bisitang amin na ring nakikilala dahil sa celebrant.
Hanggang sa may isang bisita na lumapit sa amin. Parang medyo may tama na sa nainom niyang alak. Kumunot ang noo ng aking kaibigan dahil sa angas at pagpapapansin ng bisitang yun sa mga naroong ibat-ibang grupo. Pati nga sa amin ay nakipagkuwentuhan. Inalok pa kami ng dala niyang baso na may laman ng alak. May bote na, may baso pa. At base sa kulay, mukhang magkaiba ang alak na iniinom nito.
Sandaling nagpaalam ang aking kaibigan, hindi ko naman siya pwedeng sundan dahil baka isipin ng bisitang yun na iniiwasan ko isya.
: Talk to me!
Bigla akong napatingin sa mukha niya. Infairness naman, gwapo ang bisitang yun. May pagkamayabang lang talaga. Siya nga ang crowd favorite dahil halos lahat yata sa kanya nakatingin. At mukhang pati ako ay pinagtitinginan ng mga naroong kapwa ko bisita.
: Nahihiya ka ba sa akin?
Ang muling narinig ko na sinabi ng bisitang yun. Sasagot na sana ako ng nasa likuran ko na ang celebrant at inakbayan ang bisitang yun. Mukhang type ng celebrant ang bisitang yun. Napangiti ako, at nakahinga ng maluwag ng naakay na ng celebrant palayo sa akin ang bisitang yun.
: Wala na ba ang eksenadora?
Ang salubong sa akin ng aking kaibigan. Nagkibit balikat lamang ako. Pero naramdaman ko, na parang may ibang paghanga ako sa bisitang yun. Sayang nga lang, at wala akong pagkakataon na makilala at makausap pa siya hanggang sa unti-unti ng nawawala ang mga bisitang naroon. Hindi ko na siya nasilayan pa, baka nakatulog na o umalis na ng hindi ko namamalayan man lang.
No comments:
Post a Comment