Ilang beses ko na siyang nami-meet sa mga lakad ng grupong aksidente ko lang naman na kinabilangan dahil sa aking kaibigan. Doon ko unang nakita at nakilala ang isang gwapong lalake na simula palang noong una ay nagbibigay na ng kilig sa damdamin ko sa bawat pagkakataon na magkakaroon kami ng usapan ( palitan ng text messages at viber messages ) at magkikita sa mga lakaran ng grupong yun kapag sumasama ako.
Ilan sa mga tagpong yun nang magkayayaan sa isang disco bar sa Malate, ay dahil nga sa gusto kong mapalapit sa kanya at dala ng kabataan at kapusukan ay nagagawa kong humalik sa mga pisnge niya at nayayakap ko siya habang nasa gitna kami ng maraming tao at mga kaibigan habang sumasayaw sa saliw ng maliksi at maharot na musika.
Naroon na magpakuha ako ng larawan na kasama siya at wala siyang tanggi at siya pa ang kusang tumabi sa akin para lang magpakuha nga ng larawan na kaming dalawa lamang.
May mga panahon na malambing siya mag send ng sms messages, na nagseselos siya kapag may iba nang kumukuha ng atensyon ko pero alam ko naman na mga biro niya lang yun dahil nga siya ay may kasintahan na, pero ganun pa man, kinikilig pa rin ako sa mga birong yun.
Pero habang tumagal ang aming pagkakaibigan, hindi lang pala sa pagpapakilig ang aming magiging ugnayan, dahil isa siya sa mga taong tumulong para ako ay magkaroon ng lakas ng loob na harapin yung bigat ng hamon ng buhay na dumaan sa aming pamilya. Isa siya sa mga nandyan at talagang naramadamn ko ang simpatya niya hanggang sa huli.
Gwapo, matalino at mabait, mga katangian na bihira sa kagaya niya. Busy siyang tao, lalo na sa kanyang negosyo, pero may panahon siya na imbitahin ako sa mga lugar kung saan siya naroon para makakita ng mga kasiyahan na kasama siya at para may chance na magkita rin kami ulit dahil hindi naman kami talaga nagkikita palagi kundi nagkakataon lang.
Minsan na akong nakasakay sa kanyang magarang sasakyan at masasabi kong maswerte talaga ang taong nagpapatibok rin ng kanyang puso at nagbibigay kilig sa buhay niya pag ibig niya.
Sa araw ng despedida niya, kasama ang isa pa naming kabigan, nagkaroon ng pagkakataon na kami ay magkausap at magkakuwentuhan, ng walang umaabala at walang taong nakabuntot sa kanya at humihila. Hahaha!
Sa ngayon, naroon siya sa South Korea, hinahanap ang buhay na mas lalong magbibuigay kaginhawaan sa kanya kasama ang mga kaibigan niya na naroon at ang kanyang kasintahan.
Hindi ko man masabing nagkaroon kami ng mas malalim na ugnayan sa isat-isa, sapat na yung mga sandaling binigyan niya ako ng rason para kiligin. Ipokrito ako kung sasabihin kong hindi ko hinangad na mapansin niya ang gaya ko, pero mas masaya na rin ang maging magkaibigan dahil alam mong hindi kayo magkakailangan.