Sunday, December 15, 2013

sa kabilang VIP room ng starlites

Guy1: Hope to see you soon =)

Guy2: Oo naman! Text-text lang tayo! Puwede ko bang makuha ang phone number mo?

Guy1: Baka umasa ako sa text messages mo niyan sa pag uwi ko =P

Nagkakilala ang dalawa sa hindi inaasahang pangyayari sa isang bar sa cubao, o mas kilala bilang videoke bar at the same time ay nagiging disco bar ng bandang alas dos ng madaling araw.

Madalas doon ang kaganapan ng mga events gaya ng birthday celebration o anumang okasyon ng mga malalaki o maliliit na grupo ng mga kalalakihan.

Doon rin nagkikita ang gusto mag chill o uminom ng alak o nagiging tambayan na rin, at lugar na kung saan ay nakakaramdam ng kapayapaan at saya ang mga taong malulungkot.

Sinasabi ng ilan iyun ang isa sa mga bar na napuntahan nila na hindi na nila gusto pang balikan pa dahil siguro sa mga naging hindi magandang karanasan nila.

At base naman sa aking karanasan, naging maganda ang huling pagpunta ko doon. Umattend ako sa isang christmas party, masaya at puno ng buhay ang VIP room kung saan naroon ang mga kapwa ko imbitado.

Kantahan, kuwentuhan, tawanan at asaran ng ibat-ibang klaseng tao na doon lamang una nagkita-kita ang ilan at naging reunion ng ilan na rin na naroon na matagal na ring magkakakilala.

At sa paglipas ng mga oras, may mga nagkakakilala, actually madalas ay hindi magkakakilala  sa pangalan.

Nahuhuli ko lang siya na nakatingin sa akin, parang nakaw na sulyap, gawa na rin na may kasama siya at mukhang bet na bet siya at sila na talaga ang magkasama sa mga oras na dumaan kaya dumidistansya ako sa mga tingin niya, syempre napapatingin na rin ako dahil nakuha niya ang atensyon ko.

At ilang sandali pa, nagkaroon ng pagkakataon na nagkatabi kami, at hindi na napigilan na magdikit ang mga mukha namin. Para kaming mga magnanakaw. Ha ha ha. Tinatayming namin na wala ang kanyang bantay para muling magdikit ang mga labi namin.

Pero sa huli, ako na ang pumigil sa aking sarili at sinabi kong mali iyun.

Hindi naman siya tumanggi, pero nararamdaman ko na gusto niya ako, base na rin sa mga text messages niya ilang oras bago kami nagkahiwalay.

Sa kabilang VIP room na yun, hindi namin inaasahan ang mga mangyayari at mga nangyayari sa aming paligid. Sa huli, ako ay nanood na lamang sa dilim at nakiramdam ng mga nangyayari sa kabilang VIP room na yun. Pero sa pinakahuli, tinanggal ko ang suot kong salamin sa mata upang maging malabo ang tingin ko sa kapaligiran. Naroon ang excitement na makakita ng mga kakaibang nangyayari, pero naroon ang takot at pag iwas kung hindi ko pipigilan ang nais din ng aking sarili sa mga oras na yun.

Epekto siguro ng alkohol sa aming katawan kaya nakadagdag ng tapang para gumawa ng mga bagay na nagbigay kasiyahan sa aming mga katawan, isipan at sarili sa mga sandaling yun.

Gusto kong makunsensya at humingi ng tawad sa taong nasaling ko ang ere dahil sa kapanabikan ko at pangangailangan ng aking katawan sa mga oras na yun, hindi ko alam ang estado nila ng taong aking naging kasalo ng panakaw sa sandaling yun, pero sana, malawak ang kanyang pang unawa na katawan din ng tao ang meron ako, may pangangailangan pero hindi ko gustong abusuhin ang kanyang pagiging mabuti sa gaya ko.

At sa pinakahuli, alam ko na hindi ako umabuso ng pagkakataon dahil tanging labi lang naman ang nakaulayaw ng labi ko ;P ;D

Monday, December 9, 2013

Pulang Parol

Dahan-dahan siyang lumapit, sa gitna ng ingay ng mga tao sa paligid at sinabayan ng ingay ng kumakanta sa videokehan, parang wala iyun epekto sa nararamdaman niya. Banaag sa mga mata niya ang sobrang kalungkutan, parang pagod na pagod at gusto ng sumuko sa pinagdadaanan nito.

" Gusto ko ng magpahinga!"

Ang mahina niyang boses na yun ay umabot pa sa pandinig ng kaharap nito. Tumango naman ang kausap nito na tila naunawaan ang nararamdaman nitong pagod sa sarili.

"Pero sayang, nagsisimula palang ang cristmas party! Gusto mo bang sumali sa mga palaro?"

Ang pag-anyaya ng isang kaibigan na nag-aalala pero binabalewala at iniba ang namamagitan na lungkot sa kanilang dalawa. Umiling ang taong yun, humawak sa magkabilang balikat ng kaharap at muling nakiusap.

"Sige na! Gusto ko ng magpahinga!"

Inaya niya ito sa isang upuang naroon. Nanood ng mga nangyayari sa kanilang kapaligiran.

"Sa akin ba galing yung pulang parol na yun?"

Ang turo ng taong yun sa isang parol na naroon sa mga katabi nitong parol.

"Oo, namumukod tangi nga eh! Matingkad ang kulay! Parang ikaw noong una tayong magkakilala, buhay na buhay! Puno ng sigla at saya!"

Isang buntong hininga ang sumagot sa mga pangungusap na yun.

"Gusto ko ng umidlip, maari ba akong humilig sayo?"

Ang pakiusap nito muli.

"Oo naman! Gigisingin nalang kita kapag kailangan =) Basta wag kang matutulog ha! Umidlip kalang!"

Isang ngiti ang sinagot ng taong yun. Humilig na ito sa balikat ng kaibigan, at maya-maya ay naramdaman ng kanyang kaibigan ang pananahimik na nito, indikasyon na nakatulog na nga ito. Mabilis na nag unahan ang mga luha sa mga mata hiniligan. Sa pagkakataong yun, alam niyang iyun na ang huling pagkakataon na makakatabi niya ang taong yun.

"Madaya ka talaga!"

At paulit-ulit niya yung sinambit sa katabi na nakahilig sa kanya habang pinagmamasdan ang pulang parol nito na pinalilibutan ng ibat-ibang kulay pa ng ibang parol na naroon.

(Nagkakilala ng dalawa sa isang party, at hindi naglaon ay naging matalik na magkaibigan. Hindi sila nagsisikreto sa isat-isa kaya alam ng bawat isa ang mga bagay na nangyayari sa mga buhay nila. Hanggang ang isa nga sa kanila ay dinapuan ng isang malubhang karamdaman na hindi pa alam ang lunas. Noong una ay hindi ito matanggap ng isa, tipong umiiwas sa may sakit na kaibigan, pero hindi naglaon ay mas nanaig ang kanilang tunay na pagkakaibigan. Inalagaan ang may sakit, inunawa ang depresyon nito at nararamdaman sa mga posibleng sabihin ng iba kapag nalaman ang tunay na kalagayan ng isa sa kanila. Hanggang sa huling sandali, ay magkasama ang dalawa, hindi iniwan ang isat-isa at umaasang magkikita muli sa ibang pagkakataon ng buhay.)






----------------